Umabot sa kauna-unahang pagkakataon ang isinagawang air patrol ng pwersa ng Pilipinas kasama ang Amerika at Japan sa Bashi Channel, na isang estratehikong lagusan na naghahati sa Mavulis Island sa Batanes mula sa contested island na Taiwan.
Ang naturang air patrol ay bahagi ng ika-15 multilateral maritime cooperative activity (MMCA) na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), US Indo-Pacific Command at Japan Maritime Self-Defense Force.
Isinagawa ang naturang maritime activity sa West Philippine Sea mula Pebrero 20 hanggang 26.
Dito, ipinadala ng pwersa ng Pilipinas ang iba’t ibang naval at air assets kabilang ang BRP Antonio Luna ng Philippine Navy, FA-50 fighter jets ng Philippine Air Force, C-208B, A-29 Super Tucano at Sokol Search and Rescue helicopter.
Idineploy naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang BRP Gabriela Silang na nagpapakita ng whole-of-nation approach para protektahan ang maritime domain ng bansa.
Ipinadala naman ng Amerika ang USS Dewey at P-8A Poseidon maritime patrol aircraft habang ang Japan ay nagpadala ng kanilang P-3 Orion maritime patrol aircraft.
Samantala, namataan din ang mga barkong pandigma ng Chinese Navy sa maraming pagkakataon ngayong linggo malapit sa naval assets ng Pilipinas at Amerika na nagpapatroliya sa WPS sa kasagsagan ng naturang maritime cooperative activity.
Kabilang sa mga namataan malapit sa mga barko ng PH at US ay ang presensiya ng Jiangkai II-class missile frigate Liuzhou 573 noong Lunes, Pebrero 23.
Gayundin ang guided-missile destroyer Hefei 174 ng People’s Liberation Army Navy na namataang naglalayag sa hilagang bahagi ng katubigan ng Batanes at malapit sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay BRP Antonio Luna commanding officer Capt. Jennifer Monforte, hindi nag-isyu ng radio challenge ang mga barko ng Chinese Navy subalit iginiit na iligal ang kanilang presensiya sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas at sinundan sila hanggang sa Batanes.
Hindi din aniya normal ang presenisya ng mga Chinese Navy ship sa Batanes area















