-- Advertisements --

Kampante si Duterte Panagutin Network Convenor Jojo Lacanilao na hindi uubra ang mga argumento ng defense team ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa mga husgado ng International Criminal Court (ICC).

Mistulang ipinipinta aniya ng defense panel na walang kasalanan ang dating pangulo sa nangyaring malawakang patayan at sa halip ay kasalanan ito ng mga kritiko, media, at mga non-government organization (NGO) na pumuna sa kaniyang drug war.

Ipinipilit din aniya ng defense na walang kasalanan ang dating pangulo at ang libu-libong katao na napatay sa ilalim ng kaniyang drug war ay pawang ‘random’ o biglaang pangyayari lamang.

Ayon kay Lacanilao, hindi uubra sa mga husgado ang ganitong argumento, lalo at napatunayan na ng prosecution na may malawakang pagpatay na kailangang maimbestigahan sa international arena, dahil hindi gaanong naimbestigahan ang mga ito sa local setting.

Bigo rin aniya ang defense team na sagutin ang ilan sa mga naunang argumento ng prosecution tulad ng mga indibiwal na partikular na pinatay sa kasagsagan ng drug war.

Ayon pa sa batikang abogado, tip of the iceberg pa lamang ang ipinapakita ng prosecution, at tiyak na mas maraming ebidensiya ang iprepresenta ng mga ito, kapag umabot man ito sa full trial.

Bagaman kinuwestyun ni Kaufman ang ilan sa mga naunang ebidensiya na iprinisenta ng prosecution, naniniwala si Lacanilao na hindi nito maaapektuhan ang mga na-establish ng prosecution na may nangyaring serye ng patayan at may kill order mula sa dating pangulo na ipinatupad sa ground level.