-- Advertisements --

Ipinagpatuloy ngayong Martes, Abril 21 ng Korte Suprema ang pagtalakay sa mga isyu may kinalaman sa umano’y insertions sa national budgets mula 2024 hanggang 2026.

Inaasahan na magbibigay ng kanyang insights si dating Albay governor at cong. Joey Salceda sa oral arguments bilang amicus curiae o isang eksperto na may kakayahang talakayin ang mga isyung idinulog sa korte.

Hiniling din kay Solicitor General Darlene Marie Bernabe, na nagsisilbing abogado ng pamahalaan, para dumalo ang mga kinatawan ng Department of Budget and Management (DBM), at Planning and Development Department (DepDev).

Maaalala, isa sa mga petisyon ay inihain ni dating Albay 1st District representative Edcel Lagman at iba pa na humiling na ideklarang unconstitutional ang P448.5-billion bicameral insertion sa 2024 General Appropriations Act (GAA).

Ang isa pang petisyon ay kumukwestyon sa 2025 budget, partikular ang pagtaas sa special road fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula P16.756 billion sa P34.748 billion.

Kasama rin sa oral arguments ang petisyong isinumite nina Caloocan 2nd District Representative Edgar Erice at Mamamayang Liberal Representative Leila de Lima para ideklarang labag sa batas ang unprogrammed appropriations ngayong 2026.