Tinanggap ni House Prosecutor at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima ang rekomendasyon na i-dismiss ang reklamong isinampa ni Atty. Manases “Mans” Carpio laban sa ilang House Prosecutors at mambabatas.
Ayon kay de Lima, ang reklamo ay isang uri lamang umano ng harassment suit na naglalayong manakot sa mga mambabatas na ginagampanan ang kanilang tungkulin sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Iginiit ni de Lima na magpapatuloy ang mga mambabatas sa paghahanap ng transparency at accountability, at haharapin umano ang sinumang nasa likod ng anumang pang-aapi o pag-abuso.
Una nang naghain si carpio ng reklamo laban kay de Lima, iba pang mambabatas at mga opisyal ng gobyerno dahil sa umano’y paglabag sa bank secrecy law, data privacy act at anti-money laundering act kaugnay ng pagbubunyag ng kanilang bank records.
Inirekomenda naman ng Quezon City Office of the City Prosecutor ang dismissal ng reklamo.
















