Kinumpirma ng Malakanyang na inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang 2026 budget para sa mga local government units (LGUs).
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro na bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masigurong ang pondo ng gobyerno ay mabilis maiparating at ramdam ng taumbayan.
Umabot sa P1.19 trillion pesos ang National Tax Allotment (NTA) na ipinamahagi sa mga LGUs para sa kasalukuyang taon.
Ayon kay Castro, nilagdaan na ang Special Allotment Release Order (SARO) at ang kaukulang Notices of Cash Allocations (NCA) noong Lunes, January 26, at direktang pumasok sa authorized government servicing banks ng mga LGU alinsunod sa umiiral na budgeting, accounting, at auditing rules.
Nabatid na ang maagang paglabas ng alokasyon ay patunay na nakatuon ang 2026 budget sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng taumbayan.
Sinabi ni Castro, binibigyang-prayoridad nito ang pangunahing serbisyo, pinapalakas ang lokal na pamahalaan, at sinisiguro ang mas mabilis na paghatid ng programang direktang nararamdaman ng komunidad.
Ito rin aniya ay patunay ng paninindigan ng administrasyon sa fiscal decentralization.
Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng mga LGU na gampanan nang maayos ang mga tungkulin na ibinababa sa kanilang antas.
Pina-alalahan naman ng Pangulo sa mga LGU na gamitin ang pondo para sa awtorisadong pakay at sundin ang reporting requirements bilang bahagi ng transparency at accountability standards ng pamahalaan.














