Nakaamba ang panibagong malaking pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo ng hanggang ₱16 kada litro dahil sa patuloy na geopolitical conflict na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel at Iran.
Batay sa apat na araw na trading monitoring sa Mean of Platts Singapore, inaasahang tataas ang presyo ng diesel sa ₱16 kada litro, sa gasolina – ₱11 kada litro, at Kerosene – ₱3.50 kada litro.
Kaugnay nito, ayon kay Department of Energy Secretary Sharon Garin, hinihikayat ng ahensya ang mga gasolinahan na utay-utayin o dahan-dahang ipatupad ang price increase at magpatuloy sa discount promos upang mabawasan ang epekto nito sa publiko.
Tiniyak din ni Garin na may sapat na suplay ng langis ang bansa hanggang Abril o humigit-kumulang 50 araw, habang patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa oil companies upang makakuha ng mas mabilis at posibleng mas murang suplay.
Hinimok naman ng kalihim ang publiko na magtipid sa paggamit ng gasolina, iwasan ang hindi kinakailangang biyahe, at kung maaari ay magpatupad ang mga kumpanya ng work-from-home setup.
Nagpaalala rin siya na huwag mag-hoard ng gasolina upang hindi maapektuhan ang delivery at suplay ng mga gasolinahan.
















