-- Advertisements --

Inaasahang makakatanggap ng ginhawa ang publiko sa pagtaas ng presyo ng langis sa pamamagitan ng posibleng pagsuspinde ng excise tax na aabot sa P6 hanggang P10 kada litro sa loob ng susunod na dalawang linggo.

Ito ang inihayag ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon.

Sinabi ni Ridon na halos tapos na sa House of Representatives ang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo, at inaasahang maipapasa ito sa Senado sa susunod na linggo.

Kapag naisabatas, maaaring bumaba ng hanggang P10 kada litro ang presyo ng gasolina at diesel kapag sinuspinde ang excise tax, na malaking tulong sa mga mamamayan.

Ayon kay Ridon, magiging “historic” ang hakbang dahil agad na maipatutupad ang suspensyon kapag nagdeklara ang Pangulo ng state of national emergency kaugnay ng presyo ng petrolyo, nang hindi na kailangang maghintay ng tatlong buwang average ng presyo ng krudo.

Dagdag pa niya, inaasahang maaaring umabot sa P100 kada litro ang presyo ng langis sa mga susunod na linggo, kaya malaking ginhawa ang posibleng pagbaba ng presyo para sa transport sector at sa buong ekonomiya.