Sinimulan na ng House of Representatives ang deliberasyon sa panukalang Anti-Political Dynasty bill, na layong itaguyod ang pantay na akses sa serbisyo publiko, patas na kompetisyong politikal, at pananagutan sa pamahalaan.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, chair ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, ito ay pagtupad sa matagal nang probisyon ng 1987 Konstitusyon na nananatiling hindi naisasabatas.
Binigyang-diin niya na ang panukala ay “hindi pag-atake sa mga pamilya” kundi pagpapatibay ng mga prinsipyo tulad ng equal access, fair competition, at public office bilang public trust.
Nilinaw ni Adiong na hindi target ng pagdinig ang sinumang indibidwal o angkan, kundi pagtugon sa utos ng Konstitusyon at inaasahan ng mamamayan.
Aniya, may malawak na suporta ang panukala mula sa Pangulo, liderato ng Kamara, at ng publiko, at isa itong prayoridad sa ilalim ng LEDAC.
Inamin din ni Adiong ang pagiging sensitibo at komplikado ng isyu, lalo na sa aspetong konstitusyonal, kaya’t iginiit niyang dadaan ito sa maingat at patas na proseso, kasama ang konsultasyon sa mga eksperto sa batas at halalan.
Sinabi ni Adiong ang Konstitusyon at ang taumbayan ay nagsalita na kaya panahon na para magsalita ang Kongreso sa pamamagitan ng batas.










