Pormal na isinumite ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa House of Representatives ang final report nitong “Turning Point: A Decade of Necessary Reform” at ang National Education and Workforce Development Plan (NatPlan) para sa 2026–2035.
Pinangunahan nina EDCOM II Co-Chairpersons Rep. Jude Acidre at Rep. Roman Romulo, kasama ang mga Komisyoner na sina Rep. Steve Solon, Rep. Zia Adiong, at Rep. Anna Tuazon ang pagsusumite ng final report,
Sa kaniyang privilege speech, inilahad ni Acidre ang mga natuklasan ng komisyon at ang 10-taong pambansang plano para sa edukasyon at lakas-paggawa.
Binigyang-diin ni Acidre na bagama’t malalim ang mga hamon sa edukasyon, posible ang makabuluhang reporma.
Kabilang sa mga nagawa ng EDCOM II ang makasaysayang pondo para sa edukasyon na nasa ₱1.37 trilyon sa Fiscal Year 2026, ang pinakamalaki sa kasaysayan at katumbas ng humigit-kumulang 4% ng GDP.
Itinampok din ang reporma sa Tertiary Education Subsidy (TES), kung saan tumaas ang bahagi ng benepisyaryo mula sa pinakamahihirap na pamilya mula 23% noong 2022 tungong 61% noong 2024.
Bilang Chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, tinukoy ni Acidre ang mga isyu sa higher education at TVET, kabilang ang mahigpit na credentialing, limitadong mobility sa pagitan ng skills training at degree programs, at hindi pagtutugma ng kasanayan at pangangailangan ng merkado.
Binanggit din niya ang pagpasa ng 10 mahahalagang batas sa ilalim ng 19th Congress, kabilang ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act (RA 12063) at ang Lifelong Learning Development Framework Act (RA 12313), gayundin ang pagbuo ng Education and Workforce Development Group (EWDG) na nag-uugnay sa DepEd, CHED, at TESDA sa iisang balangkas ng pagpaplano.
Ayon kay Acidre, ang NatPlan 2026–2035 ang magsisilbing gabay sa susunod na dekada ng reporma sa edukasyon at trabaho.
Hinimok niya ang mga mambabatas na ipagpatuloy ang momentum ng reporma upang matiyak ang pangmatagalang resulta.
Binigyang-diin niya na ang mga rekomendasyon ay nakabatay sa datos at sa aktuwal na karanasan ng mga nasa sektor ng edukasyon.
Dagdag pa ni Acidre, ang Final Report ay isang “living document” na gagabay sa pagpapatupad, pagbabantay, at patuloy na aksyon para sa reporma sa edukasyon at paghahanda ng lakas-paggawa sa susunod na dekada.










