Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump na itataas niya ang taripa sa mga produkto mula South Korea, kabilang ang sasakyan, lumber at maski ang pharmaceutical products, dahil umano ito sa kabiguang ipatupad ng bansa ang naunang kasunduang ”trade pack” sa Estados Unidos.
Ayon kay Trump, tataas mula sa 15% papuntang 25% ang taripa na kanyang ipapataw sa Seoul dahil daw ‘yan sa hindi pa na ipinapatupad na trade agreement na napagkasunduan ng Amerika at South Korea kamakailan.
Sinabi naman ng presidential office ng South Korea na hindi sila naabisuhan nang maaga ukol sa plano ng Estados Unidos at iginiit na mananatili silang kalmado habang ipinangako ang kanilang commitment sa kasunduan sa Amerika.
Napagalaman na tinatayang 27% ng kabuuang export ng South Korea sa Estados Unidos ay mula sa automotive industry, habang halos kalahati ng car exports ng bansa ay daretso sa US market.
Kung ibabalik sa mas mataas na antas ang taripa sa South Korea, maaaring bumaba ang exports ng produkto ng Seoul kumpara sa Japan at European Union, na kapwa may umiiral na kasunduan na 15% na taripa sa kanilang exports sa Estados Unidos.
Sa kabila ng mga pahayag ni Trump, wala pa ring inilalabas na pormal na abiso ang administrasyon ng US upang opisyal na ipatupad ang naturang pagbabago sa taripa.
Nabatid na ang banta laban sa South Korea ang pinakahuli sa sunod-sunod na babala ni Trump laban sa mga pangunahing trading partners ng Amerika sa mga nakalipas na araw.
















