-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Iprinisenta ng Police Regional Office (PRO-13) kay acting Philippine National Police (PNP) chief PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang 50 “friends rescued” (FR) o mga dating rebeldeng New People’s Army (NPA) na ngayon ay pormal nang nasa ilalim ng batas.

Isinagawa ito sa command visit ng heneral sa Camp Rafael Rodriguez sa lungsod ng Butuan, na isinabay din sa blessing at turnover ceremony ng ilang pasilidad at kagamitan ng PRO-13.

Iprinisenta rin kay General Nartatez ang kabuuang 48 iba’t ibang armas. Bilang paunang tulong, binigyan ang mga FR ng tig-iisang sako ng bigas, habang ang mga nagbalik-loob sa ilalim ng pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur ay nakatanggap ng tig-₱10,000 cash upang may magamit para sa kanilang pangangailangan.

Ayon kay General Nartatez, ang pagtanggap at pagtulong sa mga FR ay bahagi ng development package program ng pamahalaan para sa mga komunidad at dating kasapi ng rebeldeng grupo.

Layunin ng programa na mabigyan sila ng trabaho, paunang puhunan para sa kabuhayan, at tulong sa pabahay upang tuluyang makapagsimula ng bagong buhay.