Umabot sa tinatayang 19 na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa engkwentro laban sa militar sa Brgy. Salamanca, Toboso, Negros Occidental.
Nagsimula ang sagupaan alas-3:58 ng madaling araw kahapon at tumagal hanggang hapon. Ayon kay Lt. Col. Eric Alfonso, commanding officer ng 79th Infantry Battalion ng Philippine Army, kabilang sa nasawi si Arnel Tapang, ang most wanted NPA leader na may patong sa ulo na P1 milyon.
Nahulog sa fishpond ang ilang bangkay kaya natagalan ang retrieval operation.
Siyam na baril ang narekober sa encounter site.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 1st Lt. Fevie Fajardo, civil military officer ng 79th Infantry Battalion, isang sundalo ang nasugatan ngunit agad nabigyan ng paunang lunas at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Samantala, umabot sa 653 indibidwal o 168 pamilya ang lumikas mula sa Sitio Dawis at Sitio Catubig ng Brgy. Udtongan; Sitio Pantalan ng Brgy. San Jose; at Sitio Plariding ng Brgy. Salamanca. Sila ay pansamantalang nanunuluyan sa Udtongan Elementary School, Toril Elementary School, San Jose Elementary School, at Labi-labi Elementary School.
Nagpaalala si Toboso Municipal Mayor Richard Jaojoco sa mga residente na agad lumikas sa ligtas na lugar tuwing may sagupaan at huwag bumalik hangga’t walang abiso mula sa militar.
















