Inihayag ng National Bureau of Investigation na walang nakitang panloloko o ‘deception’ ang kawanihan sa dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. nang isailalim ito sa ‘polygraph test’.
Batay sa isinagawang eksaminasyon kamakailan ng naturang kawanihan, hindi nakitaan ng ‘signs of deception’ si Gracioso.
Ayon kay NBI Dir. Atty. Melvin Matibag, sumalang ang dating pulis sa ilang pinagsamang mga katanungan na may kaugnayan sa mga alegasyon o sinumpaang salaysay nito.
Nang lumabas ang resulta ng ebalwasyon, natuklasan walang indikasyon ng deception si Gracioso sa naging ‘physiological reactions’ nito.
Alinsunod dito’y ayon sa direktor, mayroon nang maaaring pagsimulan o maging gabay ang kawanihan sa kanilang pag-iimbestigang isinasagawa.
Dahil sa naging resulta ng eksaminasyon, posible aniyang masabi na hindi nagsisinungaling si Rodulfo Gracioso Jr.
Magugunitang sa isinumiteng ‘sworn affidavit’ ni Gracioso, kanyang binanggit ang mga pangalan nina Vice President Sara Duterte, Davao City Rep. Paolo Duterte, former President Rodrigo Duterte, former House Speaker Allan Velasco, Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo at iba pa.
Idinawit ng dating pulis sa kanyang salaysay si Rep. Miro Quimbo na umano’y nag-deliver ng pera sa former House Speaker na nanggaling kina Curlee at Sarah Discaya.
Direktang narinig aniya sa mambabatas sa isang pagpupulong na nagmula sa mga Discaya at iba pang mga contractor ang perang inihatid.
Dagdag pa rito’y sinabi din ng dating pulis sa kanyang salaysay na ilan ulit nangyari ang pagdadala ng pera nanggaling sa mga kontratista.
Mas naging madalas umano ang ‘cash delivery’ matapos maging Speaker ng House of Representatives noong Oktubre 2020.
Ayon pa sa kanya’y inutusan daw siya noon ng kanyang Boss Allan para mag-pickup ng pera galing kay Rep. Quimbo at dalhin sa isang lugar upang bilangin.
May iba pang mga insidente ng pag-deliver ng maletang pera ang kanyang binanggit sa sinumpaang salaysay.
Ang naturang mambabatas asawa ni dating Marikina 2nd Dist. Rep. Stella Quimbo na nagsilbing ‘acting chairperson’ ng House Committee on Appropriations noong bumaba sa pwesto si former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa kabila nito’y binigyang diin ng National Bureau of Investigation na patuloy pa rin nilang ibeberipika ang mga salaysay ni Gracioso.
Nananatiling bukas ang tanggapan ng Bombo Radyo Philippines para sa anuman kumento, pahayag o paliwanag ng mga nabanggit na indibidwal.
















