-- Advertisements --

Personal na binisita ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio ang ilang imprastraktura sa kanilang bayan na pinagdududahan niyang “ghost projects” o hindi nagagamit sa kabila ng inilaang pondo mula sa Tobacco Excise Tax.

Kabilang sa mga kinuwestiyon ng bise alkalde ang P30-milyong Lagoon Park sa tapat ng munisipyo, isang farm-to-market road, transport terminal na hindi pa nagagamit, coliseum, public market na kakaunti ang umuupa, sira-sirang tulay, at ang humigit-kumulang P5-milyong Barangay Health Station sa Barangay Banquero na hindi pa umano nasisimulan.

Naging mainit na sentro ng talakayan sa Sangguniang Bayan ang paggamit sa naturang pondo, na ayon kay Respicio ay dapat sanang nakalaan para sa mga programang direktang pakikinabangan ng mga magsasaka ng tabako sa kanilang bayan.

Dahil sa mga alegasyong ito, hinamon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro si Respicio na pormal na isumite ang kaniyang mga ebidensya sa Office of the Ombudsman o Department of Justice upang mapanagot ang sinumang sangkot sa iregularidad kung mapapatunayan ito.