-- Advertisements --

Umigting ang kontrobersiya laban kay Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Atty. Harold Respicio matapos magbitaw ng pahayag na nag-uudyok sa mga tagasuporta ng pamilya Duterte na handang isakripisyo ang kanilang buhay.

Sa isang pagtitipon ng Reform Alliance for Accountability, Good Governance, and Ethics (RAGE) Coalition noong Sabado, Mayo 23, tinanong ni Respicio ang mga dumalo kung handa ba silang mamatay, kasabay ng pahayag na “mamatay na tayong lahat,” na agad umani ng kritisismo.

Nauna na ring nagbitaw ang bise-alkalde ng kaparehong tanong sa isang rally noong Mayo 9 sa Davao City, kung saan tinanong niya ang mga Diehard Duterte Supporters (DDS) kung handa silang magbuwis ng buhay para kay Vice President Sara Duterte at kung handa sila sa tinawag niyang “rebolusyon.”

Sinabi rin ni Respicio sa naturang pagtitipon na siya mismo ay handang ialay ang kanyang buhay, at hinikayat ang mga tagasuporta na ipakita ang kanilang paninindigan.

Dahil dito, nauna nang naghain ng reklamo ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) laban sa bise-alkalde kaugnay ng mga kasong inciting to sedition at inciting to rebellion.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga naturang pahayag habang umiigting din ang diskusyon sa usapin ng political speech at pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.