Ibinida ng prosekusyon ang umano’y paglikha ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng mga mini-Dutertes dahil sa takot, habang binansagan namang fictitious construct ng depensa ang Davao Death Squad (DDS) sa pagsisimula ng confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC).
Sa kanilang pambungad na pahayag, iginiit ng prosekusyon at ng abogado ng mga biktima na ang matinding takot na ipinunla ni Duterte ay nagbunsod ng walang-awang pag-atake at pagpatay sa mga pinaghihinalaang kriminal noong siya ay alkalde pa at kalaunan bilang pangulo.
Mariin naman itong pinabulaanan ng lead counsel ng dating pangulo.
Ayon sa depensa, iginigiit lamang ng prosekusyon ang isyu ng DDS kahit na ito ay isa lamang fictitious construct na wala umanong matibay na basehan.
Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa pagpatay sa 78 na indibidwal sa ilalim ng kanyang kontrobersyal na war on drugs.
Kabilang sa mga inaakusang krimen ang pagpatay sa 19 na biktima sa Davao City mula 2013 hanggang 2016; 14 na high-value targets mula 2016 hanggang 2017 sa pamamagitan ng national network of state actors; at 45 na biktima—kabilang ang tatlong bata—sa kasagsagan ng isang barangay clearance operation mula 2016 hanggang 2018.
















