-- Advertisements --

Naniniwala ang isa sa mga nagsampa ng kaso laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na sapat ang mga testimoniya ng mga self-confessed hitman na sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas upang patunayan ang pag-iral ng kontrobersyal na Davao Death Squad (DDS).

Ang naturang grupo ay isang paramilitary group na umano’y nasa likod ng mga nangyaring extrajudicial killing noong panahon ni Duterte, kapwa bilang alkalde ng Davao City at bilang pangulo ng Pilipinas.

Kapwa inaamin nina Matobato at Lascañas na sila ay miyembro ng naturang grupo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay dating Magdalo Rep. Garry Alejano, sinabi nitong malawak personal na kaalaman at karanasan ng dalawa, mula pa noong alkalde si Duterte, tulad ng personal na pagpatay sa ilang drug suspect at pakikibahagi sa ilang police operation.

Batid din ng mga ito aniya ang sistemang ipinatutupad ng DDS, tulad ng ibinibigay na bayad sa mga miyembro at pangalan ng mga indibidwal na nagsisilbing subject ng mga isinasagawang operasyon.

Bagaman hindi kabilang si Matobato sa pag-execute ng drug war sa national level, kayang-kaya umano niyang ipaliwanag ang sistemang ginamit sa Davao City na siyang sinunod din sa national stage noong naging pangulo na ng Pilipinas si Duterte.

Sa panig ni Lascañas na dating nagsilbi bilang pulis, kaya umano nitong patunayan kung paano sangkot ang mga pulis sa mga serye ng patayan, ayon pa rin kay Alejano.

Aniya, parehong nasa kostudiya na ng ICC ang dalawang indibidwal at posibleng tetestigo laban sa dating pangulo at sa kaniyang mga co-perpetrator, kapag tumuloy na sa hearing ang kanilang kaso.

Unang naghain ng kaso sa ICC sina Alejano at dating Sen. Antonio Trillanes, noong buwan ng Abril, 2017.

Inaakusahan ng dalawa ang dating pangulo ng pagsasagawa ng mass murder o extra-judicial executions na pasok sa kasong crimes against humanity.

Sinundan nila ito ng panibagong communication noong June 2017.