Tinanggal na ng Pasay City local government ang mga tent at tarpaulin ng mga tagasuporta ng pamilya Duterte at Cayetano bloc sa paligid ng labas ng Senado.
Ayon sa Pasay City local government, ito na ang kanilang “huling babala” sa mga raliyistang patuloy umanong bumabalik at nagtatayo ng kampo sa naturang lugar.
“Ang problema namin binabalik lang nila nang binabalik kapag kinuha naman namin, syempre magkakagulo, hindi naman pwedeng hindi sila papalag,” pahayag ng isang opisyal ng LGU sa panayam sa media.
Dagdag pa niya, “Kaya mangyayari ngayon, last warning na sila para tanggalin lahat ng tent at mga gamit na nakakalat nila.”
Umabot ng halos isang buwan ang pagkakampo ng mga tagasuporta sa lugar, kasunod ng mga naunang kaganapan kaugnay ng isyu sa Senado at mga tangkang pag-aresto sa ilang personalidad.
Ayon pa sa LGU, nakakaapekto na sa daloy ng trapiko ang mga itinayong istruktura, partikular sa northbound lane ng Diokno Boulevard.
Matatandaang nagsagawa na rin ng clearing operations ang lokal na pamahalaan sa mga nakalipas na linggo, ngunit patuloy umanong bumabalik ang mga raliyista sa paligid ng Senado.
Nagbabala ang mga awtoridad na posibleng kumpiskahin ang mga kagamitan ng mga magtatangkang muling magtayo ng mga tent at tarpaulin sa lugar.
















