-- Advertisements --

Pinasaringan ni constitutional law expert Atty. Domingo ‘Egon’ Cayosa ang aniya’y mga ‘kapit tuko’ sa Senado.

Ito ay kasabay ng pag-iral ng mga paksyon sa mataas na kapulungan na ngayon ay nahahati sa pagitan ng Cayetano bloc o grupo ng mga senador na pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano at Gatchalian bloc o grupong pinamumunuan ni Acting Senate President Win Gatchalian.

Ayon kay Cayosa na dati ring nagsilbi bilang Integrated Bar of the Philippines president, ang patuloy na paggiit ni Sen. Alan Peter Cayetano kasama ang iba pang senador sa Cayetano Bloc ay isang desperadong pagtatangka at pamimilit na manatili sa kapangyarihan sa Senado.

Ito ay sa kabila aniya ng mga probisyon sa konstitusyon, mga naging desisyon ng korte, at matagal nang nailatag na Senate rules na pumapabor sa liderato ni Gatchalian ngunit pilit din umanong binabaluktot ng Cayetano Bloc.

Dahil aniya sa ginagawa ng naturang bloc, marami ang nasasagasaan dahil bukod sa mga problemang kinakaharap ng sambayanang Pilipino, nababalam ang pagpasa ng mga mahahalagang panukalang batas na makakatulong sa mga Pilipino, confirmation sa pagkakatalaga ng maraming opisyal, hearing, at iba pa.

Ayon sa batikang abogado, mas makakatulong sa Senado at sa gobyerno ng Pilipinas kung magkusa nang bumaba sa puwesto si Cayetano at hayaan ang sinusuportahan ng mas nakararaming senador na mamuno sa naturang kapulungan.

Giit ni Cayosa, tunay na public service ang kailangan sa Senado at hindi ang pagiging kapit tuko sa pwesto.