-- Advertisements --

Posibleng magkaroon ng bagong mamumuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos sabihin ng kampo ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian na pinag-aaralan nila ang pagpili ng ibang senador bilang presiding officer ng paglilitis.

Ito ay kasunod ng mga usap-usapan na si Senator Francis ”Chiz” Escudero ang maaaring mamuno sa impeachment proceedings kapag muling nagtipon ang Senado bilang impeachment court.

Ayon kay Gatchalian, hindi pa napag-uusapan nang pormal ng majority group ang usapin.

Karaniwan, ang Senate President ang nagsisilbing presiding officer sa mga impeachment trial. Ngunit kamakailan, inaprubahan ng paksyon ni Gatchalian ang mga pagbabago sa impeachment rules na nagbibigay-daan sa mga senador na mapili ng mayorya ang maaaring mamuno sa paglilitis.

Kapag naging epektibo ang mga bagong alituntunin matapos ang kinakailangang publication, maaari nang ipatupad ang naturang pagbabago sa proseso ng impeachment.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Chief Justice lamang ang namumuno kapag Pangulo ng bansa ang nililitis sa impeachment. Para naman sa ibang opisyal, kabilang ang bise presidente, ang Senado ang may kapangyarihang magtakda ng magiging presiding officer ayon sa mga umiiral na patakaran.