Naghain sa Supreme Court ng Petition for Certiorari ang grupo ni Senator Alan Peter Cayetano upang ideklarang walang bisa ang sesyon ng Senado na isinagawa noong Hunyo 3, 2026.
Kasama ni Cayetano sa 83-pahinang petisyon ang ilang kapwa senador na sina Loren Legarda, Pia Cayetano, Jinggoy Estrada, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, at Camille Villar.
Kapansin-pansin na hindi kasama sa mga petitioner sina Senator Joel Villanueva at Senador Mark Villar.
Matatandaan na natuloy ang sesyon noong Hunyo 3 matapos dumalo si Senator Francis Escudero, na nagbigay-daan para makabuo ng quorum. Sa naturang sesyon, nahalal si Senator Sherwin ‘Win’ Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.
Hinihiling din sa petisyon na magpalabas ang Korte Suprema ng agarang status quo ante order upang pigilan ang lahat ng aksyon ng grupong tinukoy bilang “Gatchalian bloc,” kabilang ang mga komite na kanilang pinamumunuan.
Samantala, nauna nang sinabi ni Gatchalian na tuloy ang special session na ipinatawag ng Malacañang ngayong Hunyo 17, 2026, sa kabila ng isyu sa liderato ng Senado.
















