Nadiskubre ang nasa 52 maanomaliyang flood control projects sa lungsod ng Malolos sa Bulacan.
Base sa audit na isinagawa ng Malolos City People’s Audit Team, ipinatupad ang mga proyekto ng Bulacan 1st District Engineering District ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 20 mula sa 51 barangay sa siyudad.
Base sa findings, tanging 54 mula sa 106 na proyekto ang nakumpleto na o di naman kaya’y nagpapatuloy, habang ang nalalabi ay ikinokonsiderang ghost projects dahil hindi matunton ang mga ito habang ang iba naman ay nadiskubreng may substandard na materyales, hindi kumpleto o binawasan ang project scope.
Ayon kay Mayor Christian Natividad, na nanguna sa audit team, isinumite na nila sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang 1,800 pahinang summary report sa flood control projects inspection.
Una ng binuo ng alkalde ang naturang audit team para imbestigahan ang maanomaliyang mga proyekto sa bisa ng Executive Order No. 39 noong Agosto 29. Binubuo ito ng mga legal at engineering heads ng siyudad, volunteers, business leaders, law enforcement, professionals at mga residente.
Kabilang sa mga kontraktor ng mga proyektong kanilang ininspeksiyon ay sa Wawao Builders at SYMS Construction, na blacklisted na ng DPWH dahil sa kanilang pagkakadawit sa maanomaliyang flood control projects na karamihan ay sa Bulacan.
Isa sa kwestyonableng proyekto na nadiskubre ng audit team ay sa isang maliit na coastal barangay ng Calero na mayroon lamang 100 households, kung saan mayroon itong 13 flood control projects na nagkakahalaga ng P1.4 billion.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ng alkalde ang pagdedeklara bilang crime scene sa lahat ng pinaghihinalaang ghost at incomplete projects kasabay ng pagbabawal sa lahat ng contruction activities na tangkang pagtakpan lamang ang mga anomaliya.
Samantala, nakumpleto ang naturang audit noong Oktubre 3.