-- Advertisements --

Inihayag ni retired PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. na posibleng magrekomenda sila ng mga bagong miyembro sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos magbitiw ang ilan sa kanilang kasamahan noong Disyembre.

Ayon kay ICI Special Adviser Azurin, kasalukuyang pinag-aaralan ng komisyon kung kinakailangang palitan ang mga nagbitiw na miyembro.

Noong Disyembre 2025, inanunsyo nina dating DPWH Secretary Rogelio Singson at public accountant Rosanna Fajardo ang kanilang pagbibitiw sa komisyon.

Iginiit din ng opisyal na wala silang natatanggap na anumang abiso o babala hinggil sa posibleng pag-alis o pagbuwag sa Independent Commission for Infrastructure.

Dahil dito, ipagpapatuloy nila ang kanilang mandato na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Dagdag pa niya, naisumite na nila sa tanggapan ng Ombudsman ang resulta ng kanilang imbestigasyon kaugnay ng mga umano’y anomalya sa mga proyektong flood control.

Hinihintay na lamang nila ang pinal na desisyon mula sa tanggapan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla bago ito dalhin sa Sandiganbayan para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Kumpiyansa rin si Azurin na may ilang indibidwal at opisyal ng gobyerno ang posibleng makasuhan matapos silang isailalim sa masusing pagsusuri at imbestigasyon bilang mga persons of interest ng Independent Commission for Infrastructure.