-- Advertisements --

Lumawak pa ang mga protesta sa Minneapolis nitong weekend, habang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng mga nagpoprotesta at mga awtoridad kasunod ng ilang insidente ng karahasan.

Noong Miyerkules (local time), isang federal law enforcement officer ang nakabaril ng isang lalaki na tumakas umano mula sa isang traffic stop at diumano’y umatake sa opisyal kasama ang dalawa pang iba.

Pagkatapos, noong Sabado, isang lalaki naman ang napatay sa isang engkwentro sa mga federal agents, na nagdagdag sa galit ng publiko.

Napagalaman na ang insidente ay kasunod noong Enero 7, kung saan napatay ang 37-anyos na ina na si Renee Good, na napatay ng mga miyembro ng U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE).

Kinondena naman ni Minneapolis Mayor Jacob Frey si U.S. President Donald Trump at ang administrasyon nito sa kanilang paghawak sa sitwasyon.

Ani Frey ilan pa ba raw ang mga residente nito at ilan pang Amerikano ang kailangang mamatay o masaktan ng husto bago matapos ang operasyon [ng ICE].

Inakusahan din ni Frey si U.S. Vice President JD Vance, na bumisita sa lungsod, dahil sa hindi pag-gawa ng paraan para mapahupa ang tensyon.

Bagama’t patuloy ang mga protesta, binanggit ng mayor na ang 15,000-strong na demonstrador noong Biyernes ay nanatiling mapayapa, nang walang ulat ng mga vandalism o karahasan, na kumokontra sa marahas na hakbang ng mga federal agents.

Samantala ibinahagi ni Minneapolis Police Chief Brian O’Hara ang karagdagang detalye tungkol sa insidente ng pamamaril nitong Sabado, na nakilala ang biktima bilang isang 37-anyos, white, at residente ng Minneapolis na walang criminal record, maliban sa ilang traffic tickets.

Tiniyak ng mga awtoridad na may permiso ang lalaki na magdala ng baril at ayon sa Minnesota law, pinapayagan ang open carry ng mga handgun basta’t may permiso.

Buwelta ng Department of Homeland Security (DHS), diumano’y nilapitan ng biktima ang mga U.S. Border Patrol officers gamit ang isang 9mm semi-automatic handgun.

Tinangka pa raw ng mga opisyal na disarmahan ang suspek, ngunit ito ay nanlaban nang marahas, kaya nauwi sa pamamaril.