-- Advertisements --

Inanunsyo ng aktres at host na si Kim Chiu, ang kanyang kauna-unahang closet sale na gaganapin mula Enero 28 hanggang Pebrero 1, kung saan lahat ng kikitain ay ipagkakaloob sa mga charitable organizations.

Ibinahagi ni Kim ang inisyatibang ito sa kanyang social media noong Biyernes, Enero 23, at tinawag itong isang ”closet clean-out” ng mga outfit na hindi na niya ginagamit.

Ang sale ay magtatampok ng mga item mula sa personal na wardrobe ni Chiu, kabilang ang mga damit na kanyang sinuot at ibinahagi sa social media.

Ang mga presyo ng mga item ay maglalaro mula P50 hanggang P2,000. Bagamat hindi binanggit ni Kim ang mga tiyak na beneficiary organizations, tiniyak niya na ang lahat ng proceeds ay mapupunta sa charity.

Gaganapin ang closet sale sa isang restaurant, na matatagpuan sa 33 Scout Santiago Street, Quezon City, na pag-aari ng co-host ni kim na si Ryan Bang.

Ang event na ito ay isa pang charitable initiative ni Kim, na aktibong sumusuporta sa mga donation drives at outreach programs.

Noong nakaraang taon, siya ay personal na nag-donate ng mga construction materials para sa mga biktima ng 6.9-magnitude earthquake na tumama sa Cebu noong Setyembre 30.