-- Advertisements --

Nagbabala ang Chinese Foreign Ministry laban sa umano’y ilang miyembro ng uniformed services ng Pilipinas na diumano’y nagpapakalat ng maling impormasyon laban sa China, at sinabing magbabayad sila sa kanilang ginawa.

Sa isang post na ibinahagi ng Chinese Embassy sa Maynila nitong Martes, tinukoy ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Guo Jiakun ang “spokesperson” ng Philippine Coast Guard (PCG) na diumano’y sadyang nagpakalat ng maling impormasyon laban sa China at “walang habas na dinudungisan umano ang imahe ng kanilang bansa.”

Pinayuhan din ng Chinese official ang kinauukulang indibidwal sa Pilipinas na agad itigil ang mga probokasyon at tigilan ang pagpapalito sa tama at mali, dahil kung hindi ay magbabayad umano sila.

Ginawa ng Chinese official ang pahayag kasunod ng inihaing diplomatic protest ng China noong nakalipas na linggo laban kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela dahil sa kaniyang mga post sa social media laban sa mga lider ng China.

Ngunit iginiit ni Tarriela na ang kanyang mga pahayag ay batay sa mga totoong pangyayari sa West Philippine Sea na suportado ng mga ebidensiya.