Kinumpirma ni House Secretary General Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil na naipasa na sa Office of the Speaker ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. nitong Martes, na hudyat ng pagsisimula ng panloob na proseso ng Kamara alinsunod sa Konstitusyon.
Ayon kay Garafil, alinsunod sa itinakdang pamamaraan, ang beripikadong reklamo ay ipinadala sa tanggapan ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III para sa kaukulang aksyon. Binigyang-diin niyang administratibo lamang ang papel ng Office of the Secretary General at mahigpit na ginagabayan ng Konstitusyon at mga patakaran ng Kamara.
Ipinaliwanag din ni Garafil na ang pagtanggap, pagtatala, at pagpapasa ng reklamo ay unang hakbang upang masiguro ang kaayusan at due process.
Ang reklamo ay inihain noong Enero 19 ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni House Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy Party-list Rep. Jett Nisay.
Ito ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos mula nang maupo siya sa puwesto.
















