-- Advertisements --

Namonitor ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ilang barko ng China Coast Guard at mga barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) sa paligid ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa isinagawang maritime domain awareness flight.

Ayon sa PCG, kabilang sa mga namataan ang dalawang barko ng China Coast Guard, ang isa ay nasa 84.6 nautical miles sa kanluran ng Capones Island, at ang isa ay 7.8 nautical miles sa timog-silangan ng Bajo de Masinloc.

Namataan rin ang dalawang barkong pandigma ng PLAN na may hull numbers 553 at 909, gayundin ang limang sasakyang pandagat na pinaniniwalaang kabilang sa Chinese maritime militia sa layong 6 hanggang halos 12 nautical miles mula sa shoal.

Makailang ulit ding inisyuhan ng radio challenge ng barkong pandigma ng Chinese Navy ang PCG Islander aircraft subalit iginiit ng PCG na ang kanilang operasyon ay alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), sa 2016 Arbitral Award, at sa Philippine Maritime Zones Act.

Binigyang-diin ng PCG na ang kanilang pagpapatroliya sa lugar ay patunay ng kanilang paninindigan na protektahan ang mga mangingisdang Pilipino at ilantad ang umano’y iligal na presensya ng mga puwersang pandagat ng China sa lugar.

Ang Bajo de Masinloc ay matatagpuan 124 nautical miles mula Zambales at nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.