Nanindigan ang ilang grupo na hindi magpapadala sa tangkang panlilinlang o naratibo ng bansang Tsina ukol sa West Philippine Sea.
Anila’y ang mga hakbang ginagawa ng dayuhan bansa lalo na sa bahagi ng Scarborough Shoal na sila umano’y tagapangalaga ng kalikasan ay hindi kayang baguhin ang katotohanan.
Kahit pa raw ibahin o gamitan ng mga termino at magagandang salita, walang epekto ito para maisawalang bahala ang batas.
Giit pa nila’y hindi nito mabubura ang karapatan ng Pilipinas na kinikilala ang kasaysayan at maging ng ‘international law’ o pandaigdigang batas.
Naniniwala si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ng Filipinos Do Not Yield Movement at iba pang grupo na matagal na itong ginagawa ng Tsina para pagtakpan ang kanilang okupasyon sa teritoryo ng Pilipinas.
Nagbago lang aniya ang termino bilang ‘conservation’, naglalarawan sa bansa na sila’y tagapangalaga ng Scarborough Shoal, habang ang mga mangingisdang Pilipino at presensya ng Pilipinas ang nanghihimasok.
Kung kaya’t kanyang binigyang pagkilala mga hakbang ng administrasyon para tugunan ang naturang isyu o usapin sa pinag-aagawang teritoryo ng bansa.
















