-- Advertisements --

Iginigiit ng Philippine Navy na hindi natitinag ang mga sundalong Pilipino na nakatalaga sa West Philippine Sea Sa kabila ng umiinit na word war sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ayon kay Navy spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nananatiling buo at mataas ang morale ng tropa ng pamahalaan dahil nauunawaan ng mga ito ang kanilang mandate at ang tunay na sitwasyon sa karagatan.

Dagdag pa ng opisyal, dahil literal na nasa frontline ang mga sundalo, mas malalim ang kanilang pang-unawa sa isyu.

Sa katunayan, natatawa na lamang umano ang mga ito sa sitwasyon at hindi nagpapaapekto sa ingay ng pulitika.

Binigyang-diin din ni Trinidad na hindi kapwa Pilipino ang kalaban kundi ang mga dayuhang nanghihimasok sa teritoryo ng bansa.

Babala niya, ang sinumang nagpapakalat ng maling narrative ay malinaw na nagsusulong ng interes ng kalaban o ng Chinese Communist Party.

Ang pahayag ay kasunod ng iringan sa pagitan ng Chinese Embassy at ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, gayundin ang pagpasa ng Senado sa isang resolusyon na kumukondena sa mga insulto ng Beijing sa mga opisyal ng Pilipinas.

Samantala, patuloy naman ang isinasagawang modernisasyon ng Navy at pagsasagawa ang mga ng mga patrol sa disputed waters.