-- Advertisements --

Tinawag ni Senator-judge Raffy Tulfo na “waste of time” o pag-aaksaya lamang ng oras ang pagpapasalang kay Police Maj. Jerickson Sangalang bilang saksi sa ika-30 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Lunes.

Isinalang ng prosecution si Sangalang upang magtestigo ukol sa mga nakatatalang baril na pagmamay-ari ng Bise Presidente at ng kanyang asawang si Atty. Mans Carpio.

Kinuwestiyon ni Tulfo ang kahalagahan ng pagpapatawag sa saksi at iginiit na ang mga baril ay karaniwan nang idinideklara bilang personal na ari-arian, kung saan maging ang mga senador mismo ay nagmamay-ari rin ng mga sandata.

Binigyang-diin ng senador na mas marami pang makabuluhang trabaho ang puwedeng maipasa sa plenaryo sa halip na ubusin ang oras sa pagpapasalang ng itinuturing niyang irrelevant o walang kaugnayang saksi.

Muling nilinaw ni Tulfo na walang personalan sa kanyang naging pahayag para kay Sangalang ngunit iginiit na hindi nakakatulong ang ginagawang presentation ng prosecution sa pagpapatakbo ng lititisan.