Nakahanda ang Philippine Bar Association (PBA) na magsilbing host para sa nilulutong public debate sa pagitan nina dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at Senator Rodante Marcoleta para sa “healthy discussion” hinggil sa West Philippine Sea.
Kabilang sa mga handang ibigay ng PBA ang isang neutral at secure venue para sa media coverage at public access, professional moderators na dalubhasa sa usapin gayundin sa constitutional at public law, malinaw na protocols sa takbo ng debate na patas, pantay na oras at decorum at magbibigay din ng open access para sa accredited media at livestreaming arrangements para matiyak ang transparency.
Ginawa ng grupo ang naturang alok matapos kumasa si dating Justice Carpio sa hamon ni Marcoleta para sa isang “friendly debate” kung saan inirekomenda naman ni Carpio ang pagtalakay sa legal existence ng WPS at estado ng Kalayaan Island Group.
Base sa inisyung statement ng PBA, mahalaga ang bukas, may katwiran at magalang na palitan ng mga pananaw para mabigyang kaalaman ang mga mamamayan.
















