Tiniyak ng National Maritime Council ang pagpapalakas sa morale ng mga residenteng nakatira sa mga teritoryo ng Pilipinas na direktang nakaharap sa West Philippine Sea.
Ito ay kasunod ng kontrobersyal na pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na ‘i-give-up’ ang Kalayaan Island Group (KIG) dahil ito ay nasa labas na ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay NMC Spokesperson Usec. Alexander Lopez, sinabi niyang inaasikaso ng pamahalaan ng Pilipinas ang pangangailangan ng mga residente upang masigurong magkaroon ng maayos at kalidad na pamumuhay ang mga ito sa kabila ng kanilang pagkakahiwalay sa mainland Luzon.
Sa ngayon, nabigyan na rin aniya sila ng disenteng road network, mga eskwelahan, supply ng malinis na tubig, kuryente, atbpang mahahalagang serbisyo.
Dinadalasan din aniya ng pamahalaan ang pagdalaw sa mga residente upang masigurong hindi bababa ang kanilang morale sa kabila ng kakaibang opinyon ng ilang Philippine officials ukol sa ligal na estado ng naturang teritoryo.
Paliwanag pa ng NMC official, bagaman nagiging pahirapan ang pagtungo sa lugar dahil sa kalimitang kailangan ng assets ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard, nakabuo na rin aniya ang local officials ng epektibong transport system mula sa mainland Palawan patungo sa KIG.
Ito ay nagpapakita lamang aniya na epektibo ang lokal na pamamahala sa naturang lugar, sa kabila ng lokasyon nito.
















