-- Advertisements --

Halos hindi nagbago ang ikalawang set ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, ngunit isang mahalagang bagong elemento ang lumitaw, ang mga alegasyon ng dati niyang aide na si Ramil Madriaga.

Sa tatlong reklamong inihain ng Makabayan Coalition, civil society groups, at mga miyembro ng clergy at abugado, isinama ang sinumpaang salaysay ni Madriaga na isinumite noong Disyembre 2025. Sa kanyang affidavit, hiniling niya sa Office of the Ombudsman na imbestigahan si Duterte sa umano’y mga katiwalian at iginiit na bahagi ng kanyang trabaho ang maghatid ng malalaking halaga ng pera ayon sa utos ng Bise Presidente.

Binanggit sa mga reklamo ang umano’y papel ni Madriaga sa pagtatatag ng Vice President Security and Protection Group (VPSPG) at ang sinasabing pagdadala ng cash na mula umano sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

Samantala, naghain ng cyberlibel complaints si Col. Raymund Dante Lachica, dating pinuno ng Vice President Security and Protection Group (VPSPG), laban kay Madriaga at sa kanyang abogado kaugnay ng umano’y mapanirang online posts. (report by Bombo Jai)