Inakusahan ni dating U.S. Secretary of State Hillary Clinton si U.S. President Donald Trump ng pagtatakip umano ng mga dokumento kaugnay sa kaso ng yumaong sex offender na si Jeffrey Epstein.
Aniya, mabagal ang proseso ng pagbibigay ng mga files at dapat ay mailabas agad daw ang mga ito.
“Get the files out. They are slow-walking it,” ani Clinton.
Matatandaan na noong nakaraang buwan, naglabas ang U.S. Department of Justice ng mahigit tatlong milyong dokumento, larawan, at video kaugnay sa imbestigasyon kay Epstein, na napatunayn umanong nagpakamatay noong 2019 habang nakakulong.
Bagama’t madalas lumilitaw sa mga Epstein files si dating U.S. President Bill Clinton, wala pang ebidensiya na nag-uugnay sa kanilang mag-asawa sa anumang kriminal na gawain.
Ang mag-asawa ay inutusan na magbigay ng closed-door depositions sa U.S. House Oversight Committee, na iniimbestigahan ang koneksyon ni Epstein sa mga makapangyarihang tao.
Sinabi ni Hillary Clinton na tutugon lamang sila kung isasapubliko ang naturang Epstein files.
“We will show up but we think it would be better to have it in public… I just want it to be fair. I want everybody treated the same way.”
Ayon sa kanya, wala silang itinatagong lihim at matagal na nila aniyang hinihingi ang buong paglabas ng mga files ni Epstein.
Giit niya rin na ang imbestigasyon ay ginagamit ng ilang Republicans para ilihis ang atensyon mula kay Trump, na madalas ding nababanggit sa mga dokumento.
Kaugnay nito una nang itinanggi ni Trump ang anumang pagkakasangkot at sinabi na siya ay “totally exonerated.”
Samantala, nakatakda naman ang deposition ni Hillary Clinton sa Pebrero 26, 2026.
















