-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Energy (DOE) sa publiko na kanila paring pinahihintulutan ang pagbili ng mga produktong petrolyo gamit ang fuel-grade na drum o containers, basta’t ito ay gagamitin sa lehitimong operasyon at sumusunod sa mga umiiral na pamantayan sa kaligtasan sa pagdispense ng fuel.

Ayon sa DOE, ang ganitong paraan ng pagbili ay karaniwang ginagawa ng mga sektor na nangangailangan ng maramihang suplay ng langis para sa kanilang operasyon.

Kabilang dito ang mga bangkang pangisda at marine equipment operators, sea transport services, mga ospital na gumagamit ng generator set, mga local government unit (LGU), mga gumagamit ng makinaryang pang-agrikultura, telecommunications facilities, port service transport units, at iba pang negosyo na may lehitimong pangangailangan sa suplay ng langis.

Gayunman, binigyang-diin ng ahensya na ang dami ng binibiling langis ay dapat naaayon lamang sa karaniwang konsumo at aktuwal na pangangailangan ng operasyon ng bumibili.

Kapag ang dami ng biniling produkto ay labis o hindi tugma sa karaniwang pagbili, maaari itong sumailalim sa beripikasyon upang matiyak na walang nagaganap na pagho-hoard o pagtatago ng suplay.

‘Transactions that significantly exceed normal buying patterns may be subject to verification to ensure compliance with anti-hoarding regulations,’ ayon sa pahayag na inilabas ng ahensya.

Pinayuhan din ng DOE ang mga fuel retailer na maging maingat sa pagproseso ng ganitong mga transaksyon, lalo na kung ang dami ng binibili ay hindi tugma sa pangangailangan ng mga mamimili.

‘Fuel retailers are advised to carefully assess such transactions, particularly when the volume purchased appears inconsistent with the buyer’s declared purpose or established consumption pattern,’ dagdag ng ahensya.

Samantala, hinihikayat ng DOE na iulat ang anumang kahina-hinalang transaksyon sa pamamagitan ng eGovPH App, Hotline 8888, sa mga local government unit, o direkta sa Consumer Welfare and Promotion Office ng DOE sa pamamagitan ng kanilang telepono, email, o opisyal na social media channels.