Dalawang turistang Pilipino ang nasawi matapos bumaligtad ang sinasakyan nilang bus sa isang motorway sa Buchloe, Germany, habang patungo sa Oktoberfest sa Munich.
Ayon sa German police, nasa 50 turistang Pinoy ang sakay ng bus na inarkila ng isang travel company nang mangyari ang aksidente dakong alas-4 ng madaling-araw.
Walo pang pasahero ang malubhang nasugatan.
Batay sa paunang imbestigasyon, lumabas muna sa kalsada ang bus bago ito bumaligtad.
Umabot naman sa tinatayang 250 emergency personnel ang rumesponde, habang isinara sa magkabilang direksiyon ang motorway.
Samantala, sinabi ng Philippine Consulate General sa Frankfurt na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa German police at iba pang awtoridad.
Bineberipika pa rin ang pagkakakilanlan ng mga nasawi at kinokolekta ang karagdagang impormasyon kaugnay ng insidente.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang philippine consulate sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga pilipinong naapektuhan ng aksidente.
















