-- Advertisements --

Ibinahagi ng “Megastar” na si Sharon Cuneta na sumailalim siya kamakailan sa isang medical procedure sa kanyang spine sa Singapore matapos makaranas ng matinding pananakit sa loob ng halos dalawang taon.

Sa isang Instagram post noong Marso 12, ibinahagi ng beteranang singer-actress na ang kanyang pagpunta sa Singapore ay dahil sa medical reasons. Ayon sa kanya, matagal na siyang sumasailalim sa pain management dahil sa pananakit ng kanyang kanang balakang at binti.

Dagdag pa niya, lumabas din sa mga pagsusuri na may problema rin ang kanyang leeg na kakailanganing gamutin, kaya kinakailangan niyang bumalik sa Singapore sa mga susunod na buwan.

Humingi rin ng paumanhin si Sharon sa kanyang mga tagasuporta at mga kasamahan sa trabaho dahil hindi siya nakadalo sa finals ng kanyang entertainment show, kung saan isa siya sa mga hurado.

Kamakailan lamang ay naging usap-usapan din si Sharon matapos niyang ipakita ang kanyang senior citizen ID, kung saan sinabi niyang ang pagtanda ay isang “privilege.”

Inanunsyo rin ng Megastar na plano niyang pamahalaan ang sarili niyang career sa pamamagitan ng isang bagong management company na ilulunsad niya ngayong taon.