-- Advertisements --

Naglabas ng panibagong mga alegasyon ang ilang dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co matapos nilang pangalanan ang iba pang opisyal ng gobyerno at personalidad sa media na umano’y nakatanggap ng pera mula sa dating mambabatas.

Sa isang pulong balitaan ngayong araw, Hunyo 16, ipinakilala ng abogado ng grupo na si Atty. Levi Baligod, ang apat na bagong testigo.

Isa sa kanila ang nagsabing nakasama siya sa paghahatid ng mga maleta umano para kina dating House Speaker Martin Romualdez at Senator Erwin Tulfo.

Iniuugnay rin ng nagpakilalang ”bag-men” ni Co si Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Garcia, Chairman George Garcia sa umano’y pagtanggap ng pera. Ngunit mariing itinanggi ito ni Garcia at tinawag na kasinungalingan ang mga paratang.

May isa pang dating aide na nagsabing nakapaghatid umano sila ng apat na maleta na may lamang pera sa bahay ni Senator Francis Escudero.

Nagpakita rin ang mga testigo ng ilang larawan na sinasabing may kaugnayan sa kanilang mga pahayag.

Kabilang dito ang larawan nina Senator Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta kasama ang ilang tauhan ni Co. Gayunpaman, wala silang ibinigay na detalye kung ano ang kaugnayan nito sa kanilang mga alegasyon.

Pinalagan naman ni Cuneta ang pahayag ng dating bodyguard ni Co at sinabing pawang kasinungalingan lamang ang mga paratang laban sa kanila.

May ipinakita rin silang larawan kasama si MMDA General Manager at dating PNP Chief Nicolas Torre. Ayon sa kanila, kuha umano ito noong hinihikayat silang bawiin ang mga naunang pahayag nila sa Senado.

Samantala, sinabi rin ng mga dating bodyguard na nakapaghatid umano sila ng mga paper bag na may lamang pera sa ilang personalidad sa media, kabilang sina TV journalist Arnold Clavio at kolumnistang si Mon Tulfo.

Agad itong pinabulaanan ni Clavio at hinamon ang mga nag-aakusa na magpakita ng ebidensya.

Samantala, tinawanan lamang ni Mon Tulfo ang alegasyon at kinuwestiyon kung paano magkakasya ang malaking halaga ng pera sa isang paper bag.

Patuloy naman kinukuhaan ng Bombo Radyo ng panig ang mga nabanggit na opisyal at personalidad.