Ipinagmalaki ng showbiz veteran at tinaguriang “Megastar” na si Sharon Cuneta ang kanyang pagiging senior citizen matapos siyang mag-60 taong gulang noong Enero 6.
Sa isang social media post nitong Miyerkules, ibinahagi ni Sharon ang pagkakaroon ng kanyang senior citizen card. Bagama’t tinakpan ang ilang detalye para sa privacy, kitang-kita ang kanyang kasiyahan sa bagong yugto ng kanyang buhay.
“Heto na siya!!! (Siempre inalis ko ibang info, pero ito na Senior Card ko!!!) Hahahaha!!! Yahooo!!!! 🙌🏻❤️🤗🥰💯💕 AGING, MY FRIENDS, IS A PRIVILEGE!!! Thank You, Lord!” saad niya sa caption.
Matatandaang noong nakaraang buwan ay ipinagdiwang ng Mega star ang kanyang ika-60 kaarawan sa noontime musical variety show. Sa naturang selebrasyon, inihayag ng aktres na may dalawa siyang proyektong nakatakdang gawin.
“From the bottom of my heart, I just want to say thank you. Lalo na po sa Sharonians ko. Kahit po nasaan kayo ngayon, I love you so much. Lahat po nang ginagawa ko ngayon ay para sa inyo,” pahayag niya.
“Napakalaki po nang utang na loob ko sa inyo at habambuhay ko, hanggang kamatayan ay dala ko ang pagmamahal niyo, mahal ko po kayo.”
Sa kabila ng pagiging senior citizen, nananatiling aktibo si Sharon sa showbiz. Sa kasalukuyan, isa siya sa mga hurado ng isang variety show na ipinalalabas tuwing sabado at linggo.
















