-- Advertisements --

Namataan ang tatlong barko ng China Coast Guard (CCG) sa Bajo de Masinloc habang binabantayan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga mangingisdang Pilipino na naghahanapbuhay sa lugar.

Ayon sa PCG, nagpadala sila ng 3 barko at isang aircraft simula noong Enero 26 para magbigay ng suporta sa mahigit 40 filipino fishing vessels mula Zambales, Bataan, Pangasinan at Mindoro.

Sa kasagsagan ng misyon, naidokumento ng Coast Guard ang presensiya ng mga barko ng CCG, bagamat hindi ito naging sagabal sa operasyon ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar at ipinagpatuloy ang kanilang karapatan na makapangisda.

Binigyang diin naman ng PCG na hindi natitinag ang posisyon nito sa pagprotekta sa mga mangingisdang Pilipino at paggiit sa sovereign rights ng ating bansa sa pinagtatalunang karagatan.

Samantala, ayon sa PCG, nakatanggap din ang mga mangingisdang Pilipino ng fuel subsidies, freshwater, yelo at food packs para masustine ang kanilang fishing activities.