-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government sa lahat ng local government units sa bansa ang agarang pagtanggal ng mga pangalan, larawan, at iba pang palatandaan ng mga opisyal sa mga proyektong at programang pinondohan ng gobyerno.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2026-006, ipinagbawal ang paglalagay ng pangalan, imahe, logo, slogan, color scheme, o anumang simbolo ng public official sa project signage, tarpaulin, at iba pang government-funded materials.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, ang mga proyekto ng gobyerno ay galing sa buwis ng mamamayan at hindi dapat gamitin para sa personal na promosyon ng mga opisyal.

Nakasaad din na ang kautusan ay alinsunod sa 1987 Constitution, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, Commission on Audit rules, at 2026 General Appropriations Act. Nagbabala si Remulla na maaaring maharap sa preventive suspension at administrative cases ang mga lalabag, at hinikayat ang publiko na i-report ang mga paglabag. (report by Bombo Jai)