-- Advertisements --

Inireklamo ng Alliance of Concerned Teachers ang korapsyon at patronage politics bilang pangunahing dahilan ng lumalalang kakulangan sa silid-aralan sa bansa. Ayon sa grupo, umaabot na sa 166,000 ang backlog at posibleng umabot sa 230,000 pagsapit ng 2028.

Sinabi ni ACT Chairperson Ruby Bernardo na hindi simpleng pagkaantala ang problema kundi dekada-dekadang kapabayaan at sistematikong kakulangan sa implementasyon.

Binanggit ng ACT na patuloy na nasasayang ang pondo sa overpriced contracts, substandard construction, at proyektong pinapaboran ang politiko. Binabalaan rin nila na hindi solusyon ang paglilipat ng pondo sa lokal na pamahalaan kung walang transparency.

Itinuro ng Alliance of Concerned Teachers ang direktang epekto ng kakulangan sa silid-aralan sa kalidad ng pagtuturo: siksikang klase, shifting schedules, mabigat na workload ng guro, at pagbaba ng kalidad ng edukasyon.

Hinimok ng grupo ang mas mahigpit na pagsubaybay sa pondo ng edukasyon, pagtigil sa patronage-driven project allocation, at pagtutok sa tunay na pangangailangan ng guro at estudyante. (report by Bombo Jai)