Ikinagalak ni Deputy Speaker Ronaldo Puno ang pahayag na suporta ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon, na aniya’y mahalagang hakbang upang maisulong ang makabuluhan at seryosong reporma sa bansa.
Ayon kay Puno, hindi sapat na ang Kamara lamang ang kumilos sa usapin ng Charter change dahil malinaw na kinakailangan ang kooperasyon at malinaw na suporta ng Senado upang magtagumpay ang anumang pagbabago sa Saligang Batas.
Sinabi ni Puno, ang aktibong partisipasyon ng dalawang kapulungan ay susi sa isang maayos, kapani-paniwala, at responsableng proseso ng deliberasyon.
Dagdag pa ng Deputy Speaker, makatutulong ang pakikilahok ng Senado upang matiyak na ang mga talakayan sa constitutional amendments ay isasagawa nang may transparency at kredibilidad, at hindi minamadali o pinipilit.
Matatandaang noong Nobyembre 11, naghain si Puno, bilang tagapangulo ng National Unity Party (NUP), kasama ang mga miyembro ng partido ang House Bill No. 5870. Layunin ng panukala na magpatawag ng Constitutional Convention na siyang tatalakay sa mga panukalang amyenda sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng isang participatory at demokratikong proseso na kumakatawan sa boses ng sambayanang Pilipino.
Giit ni Puno, ang suporta ng Senado, partikular ng liderato nito, ay mahalagang indikasyon na may puwang para sa seryosong diskusyon sa Charter change na nakatuon sa pambansang interes.










