-- Advertisements --

Tatalakayin sa ASEAN Foreign Ministers’ Retreat ang Code of Conduct (COC) sa West Philippine Sea bukas, Enero 29.

Kinumpirma ito ni ASEAN Spokesperson for ASEAN Matters Dominic Xavier Imperial at sinabing bagama’t hindi pa matukoy sa ngayon ang kabuuang saklaw at posibleng maging resulta ng mga talakayan, tiyak na kabilang ang COC sa mga pangunahing isyung pag-uusapan ng mga ASEAN foreign ministers.

Ayon kay Imperial, bilang ASEAN Chair para sa 2026, nasa matibay na posisyon ang Pilipinas upang mapanatili ang momentum ng negosasyon sa pamamagitan ng pagpapadali ng dayalogo, paghikayat ng mas madalas na pagpupulong, at paglikha ng mga pagkakataon upang maisulong ang mga diskusyon tungo sa napapanahong pagtatapos ng COC.

Binigyang-diin din niya ang sama-samang paninindigan ng lahat ng panig na sangkot sa negosasyon, at iginiit na nananatiling committed ang mga ASEAN Member States at China sa pagsisikap na makamit ang isang kasunduan.

Dagdag pa ni Imperial, determinado ang lahat ng partido na tapusin ang COC negotiations alinsunod sa napagkasunduang 2026 timeline at sa mga alituntunin at balangkas na itinakda ng ASEAN.

Ngayong araw nga, Enero 28, ang siyang pagsisimula ng ASEAN Foreign Ministers’ Retreat na ginanap nitong lungsod ng Cebu na magtatapos naman bukas.