Nasunog ang isang yate habang naglalayag sa katubigang sakop ng Tingloy, Batangas ngayong Martes, Enero 27, 2026.
Base sa paunang ulat, naglayag ang Motor Yacht (M/Y) Allusive mula sa Puerto Galera patungong Punta Fuego, Nasugbu, Batangas para makilahok sana sa isang yacht sailing event.
Subalit sumiklab ang sunog na pinaniniwalaang nagmula sa engine room dahil sa posibleng electrical failure, na isasailalim sa karagdagan pang imbestigasyon.
Nirespondehan ng Philippine Coast Guard (PCG) District Southern Tagalog ang nasunog na yate at ligtas na nailikas ang 7 Pilipinong crew members na sakay ng yate. Dinala ang mga nasagip na crew sa Batangas Port para sa medical assessment at walang napaulat na nasugatan.
Hinatak na ang yate patungo sa pampang at sinuri para matiyak na wala itong banta sa paglalayag.
















