-- Advertisements --

Nasunog ang mismong pavilion area kung saan isinasagawa ang United Nation talks o 30th UN Conference of the Parties (COP30) sa Belém, Brazil.

Ayon sa UN, na siyang namamahala sa COP climate meetings, naapula ang sunog makalipas ang anim na minuto at nasa 13 katao ang ginamot matapos makalanghap ng usok.

Nagresulta din ito sa paglikas sa maraming mga delegasyong dumalo sa summit. Nasa libu-libong katao nga ang dumalo sa UN climate talks kabilang ang mga miyembro ng mga delegasyon mula sa halos 200 bansa.

Nagsagawa naman ang fire brigade ng pagsusuri sa venue para i-assess ang kaligtasan at pansamantalang tinake-over ng Brazilian authorities ang summit.

Hindi pa tukoy sa ngayon ang pinagmulan ng sunog, subalit base sa nakapanayam ng international media na testigo, posibleng electrical fire ang ugat ng sunog.

Nasa huling mga oras na ang naturang talks para magkasundo sana sa susunod na mga hakbang para talakayin ang isyu sa pagbabago sa klima nang sumiklab ang sunog na nagpaantala sa mga negosasyon.