Inihayag ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na handa na ito para sa confirmation of charges hearing sa harap ng International Criminal Court (ICC) ngayong Lunes ng hapon.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Nicholas Kaufman, magbibigay lamang ng opening statement ang depensa nito bago simulan ng prosekusyon ang presentasyon ng kanilang ebidensya.
“The defense only has to make an opening speech. In the afternoon, I anticipate the prosecution will begin its presentation of the evidence,” ani Kaufman sa isang panayam.
Batay kasi sa nakatakdang iskedyul ng ICC, babasahin muna ng Pre-Trial Chamber I ang mga ipinupukol na kaso laban sa dating Pangulo. Hindi na dadalo nang personal si Duterte matapos payagan ng korte ang kanyang kahilingan na i-waive ang kanyang personal na pagdalo sa pagdinig.
Matapos basahin ang mga kaso, maglalabas naman ng kani-kanilang opening statement ang ICC prosecutors tulad ng common legal representatives of the victims (CLRVs), at ang defense team.
Bukod dito itinakda din ang mga susunod na pagdinig sa Pebrero 24, Pebrero 26, at Pebrero 27.
Sa mga susunod na araw, inaasahang ilalahad ng prosekusyon ang kanilang mga ebidensya na sasagutin naman ng kampo ni Duterte.
Sinabi rin ni Kaufman na hindi niya kailangan ng masyadong input mula sa dating pangulo para sa kanilang estratehiya sa depensa.
Magugunitang sinampahan ng ICC Prosecutor si Duterte ng 49 na kaso ng murder at attempted murder kaugnay ng kanyang ipinatupad na ‘war on drugs’. Gayunman, iginiit ng prosekusyon na mas malawak pa umano ang naging bilang ng mga biktima sa panahong saklaw ng kaso.
Batay sa rekord ng gobyerno, humigit-kumulang 6,200 drug suspects ang nasawi sa mga operasyon nang kampanyang kontra droga noong panahon ng Duterte administration. Subalit ayon sa ilang human rights organizations, maaaring umabot pa ito sa 30,000 ang kabuuang bilang kung isasama ang mga umano’y hindi naitalang kaugnay na pagpatay.
Sa confirmation of charges hearing dito ay hihimayin ng mga hukom kung mayroon bang ”substantial grounds” o sapat na basehan ang prosecution para ituloy ang kaso sa isang full-blown trial.
















