Iniulat ng Copernicus Climate Change Service, ang climate monitoring arm ng European Union na ang ikatlong pinakamainit na buwan ng Agosto sa kasaysayan ay nagdulot ng matitinding heatwave at mapaminsalang wildfire sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa Timog-Kanlurang ng Europa, naranasan ang ikatlong heatwave ngayong tag-init, kung saan apektado ang southwest France, Spain, at Portugal.
Habang sa Spain, tumagal ng 16 araw ang init na nagdulot ng higit 1,100 ang mga nasawi, ayon sa Carlos III Health Institute. Libo-libo rin ang napilitang lumikas dahil sa malawakang wildfire sa Spain at Portugal.
Ayon sa mga siyentipiko, mas mainit, mas tuyo, at mas mahangin na kondisyon ay dulot ng climate change ang isang dahilan na nagpapalala sa mga naitatalang sunog sa buong mundo.
Sa Asya, nakaranas din ng labis na init ang China, Korean Peninsula, Japan, at Middle East. Iniulat ng mga bansang UK, Japan, at South Korea na ito na ang kanilang pinakamainit na tag-init batay sa kasaysayan ng kanilang weather records.
Sa kabuuan, ang global temperature para sa Agosto ay umabot sa 1.29°C na mas mainit kumpara sa pre-industrial era — halos kapantay ng record noong 2023.
Samantala naitala rin ang record-breaking sea surface temperatures sa North Atlantic, na nag-aambag sa mas matitinding weather events. Ayon sa mga eksperto, hindi na nakakayang sumipsip ng init ang karagatan hindi tulad ng dati, dahilan upang mas mabilis na uminit ang mundo.