Maglulunsad ng kilos-protesta ang rural groups laban sa mas mataas na singil sa kuryente.
Ayon sa koalisyon, na pinangungunahan ng peasant group na Anakpawis, ang naturang pagtaas ay lalo lamang magpapabigat sa pasanin ng mga konsyumer dagdag pa sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Kinondena ng grupo ang inanunsiyong pagtaas ng Manila Electric Company (Meralco) ng 64 sentimos kada kilowatt-hour (kWh) sa singil sa kuryente ngayong Marso.
Nagbunsod ito sa pagsipa ng overall rate ng Meralco sa P13.8161 per kWh mula sa P13.1734 per kWh noong Pebrero. Ibig sabihin, ang household na komukonsumo ng 200 kWh ay magbabayad ng dagdag na P129 sa buwanang bill ng kuryente.
Daing ng grupo na isinabay pa ang umento sa singil sa kuryente sa walang-patid na taas-presyo ng langis, na hindi aniya katanggap-tanggap dahil pawang espekulasyon ang pinagbabatayan ng electric company na sadya lamang umanong nais na magkamal ng tubo kahit naghihingalo na sa hirap ang mga konsyumer.
Giit ni Anakpawis national president Ariel Casilao, masyado itong mabigat para sa mga ordinaryong Pilipino lalo na sa gitna ng magkakasunod na pagsirit ng presyo ng langis.
Binatikos din ni Casilao ang administrasyon sa kawalan umano ng aksiyon sa kinakaharap na mataas na mga presyo.
Bunsod nito, sinabi ng grupo na papangunahan nila ang malawakang kampaniya at protesta laban sa mataas na singil sa kuryente at iba
pang mga pagsipa sa presyo ng basic utilities at commodities.
Sa huli, ipinunto ng grupo na nakasalalay ang solusyon sa reporma sa sektor ng enerhiya, kabilang ang pagpapawalang bisa sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001, na ayon sa grupo ay nagbukas ng pintuan para sa monopolyong kontrol o eksklusibong paghawak ng pribadong korporasyon sa power industry.















